Ang Cebu ang pinakamalayong lugar na napuntahan ko sa buong buhay ko. Isang rason kung bakit kami nagpunta dito ay para bisitahin ang aking tito. Bagamat hindi lahat ng tao dito ay marunong magsalita ng Tagalog, ngunit magagaling naman sila magsalita ng Ingles. Napakayaman ng Cebu sa kultura, kasaysayan, at pagpapahalaga. Labis ko rin hinangaan ang mga lugar at tourist spots na mayroon sila. Halina at ating tuklasin ang mga lugar at tourist spots na napuntahan namin sa Cebu.
Matatagpuan ang lalawigan ng Cebu sa Rehiyon ng Gitnang Visayas. Ang Cebu ay isang mahaba at makitid na pulo na may haba na 225 kilometro (140 milya) mulang hilaga hanggang timog at pinalilibutan ng 167 pulo kasama na ang Mactan, Bantayan, at Olango. Ito rin ang pinakamatandang pook na naging himpilan ng mga Espanyol, at ang lungsod ay isinunod sa pangalan ng patrong “pinakabanal na pangalan ni Hesus.” Kilala rin ang Cebu sa masasarap na pagkain tulad ng Otap, Lechon, dried mangos, at iba pa.
Pagdating namin sa lungsod ng Cebu, ang una naming pinuntahan ay ang Vista Mar Beach Resort & Country Club. Ito ay 3km ang layo nito sa Mactan Shrine. Kilala ang resort na ito sa napakaganda nitong tanawin at dagat. Napakasarap ng mga pagkain dito tulad ng native na manok, baked scallops, native na liempo, at iba pa.

Pagkatapos naming mag-almusal sa Vista Mar Beach Resort & Country Club, dumako naman kami sa Mactan Shrine. Dito makikita ang napakalaking estatwa ni Lapu-lapu na 65.5 ft. ang taas at gawa sa tanso. Katabi rin nito ay ang Magellan Monument na itinayo sa karangalan ni Ferdinand Magellan. Marami rin ditong makikitang mga nagbebenta ng souvenirs.


Sunod naman naming pinuntahan ay ang Chapel of Holy Relics and of Saint Rita of Cascia sa Tabor Hills sa Talamban. Ang kapilya ay ang conventual chapel ng mga paring Order of Discalced Augustians ng Cebu. Matatagpuan ditong mahigit 4000 na mga relikya ng mga santo at santa. Kabilang rin dito ang mga relikya ng ating Panginoong Hesukristo, tulad ng piaso tunay na krus na kanyang pinagpakuan, piraso ng koronang tinik, piraso ng lilang damit ng ating Panginoon, at iba pa. Pati na rin belo ng Mahal na Birheng Maria, palyo ni San Jose, at mga santo at santa ay makikita dito. Ang kanilang altar ay nakadikit sa retablo dahil kadalasan nilang ginagawa ang tradisyunal na misa ng Latin. Nakatalikod ang pari kung magmisa at kakaiba ang kanilang mga kinakanta sa misa. Sa ilalim ng kanilang altar, mayroon estatwa ng patay na Santa Rita de Cascia, ang kanilang patron ng kapilya. Nagkataong noong nagpunta kami dito ay bisperas ng kapistahan ni Santa Rita. Kaya ang kanyang estatwa at mga relikya ni Santa Rita ay ilalabas sa publiko. Napakabango ng mga halimuyak ng mga rosas na nanggagaling sa estatwa ni Santa Rita. Kakaibang pakiramdam ang nadama ko noong nahawakan ko ang estatwa at mga relikya.


Pagkatapos namin sa Chapel of Holy Relics and of Saint Rita of Cascia, dumako naman kami sa Magellan’s Cross. Ang Magellan’s Cross ay isang maliit na dambana na matatagpuan sa tabi ng Basilica Menor del Santo Niño de Cebu. Makikita sa maliit na dambana na ito ang tunay na krus na inilathala ng mga Portuges at Espanyol na inutos ni Magellan. Makikita rin dito ang napakagandang painting ng kauna-unahang misa na naganap sa Pilipinas. Maraming mga nagbebenta ng iba’t ibang kulay ng kandila sa labas ng Magellan’s Cross, ang bawat kulay ng kandila na itutulos sa paanan ng krus ay may ibig sabihin.

Ilang habang lang mula sa Magellan’s Cross, nakarating kami sa Basilica Menor del Santo Niño de Cebu. Ito ang tinaguriang “Mother and Head of all Churches in the Philippines,” sapagkat dito nagsimula ang pagiging Kristiyano ng mga Pilipino. Matatagpuan sa simbahang ito ang orihinal na imahen ng Santo Niño na ibinigay ni Magellan kay Reyna Juana. Talagang napakaganda at puno ng kasaysayan ang simbahan na ito. Isang ring nakapukaw ng aking pansin sa simbahang ito ay ang mga relikya ng mga santong Agostiniano at ang tunay na krus na pinagpakuan ng ating Panginoon na makikita sa kaliwang bahagi ng simbahan.


Pagkatapos dito, kami ay nananghalian at bumalik muna sa tinutuluyan naming condominium na pagmamay-ari ang aking tito. Ito ang The Sentinel Condominium, na halos 6km ang layo sa Magellan’s Cross.

Noong hapon na iyon, pinuntahan naman namin ang Cebu Taoist Temple. Ito ay matatagpuan sa Beverly Hill Subdivision. Ang templo ay mataas, multi-tiered, multi-hued na atraksyon na maaaring mapuntahan sa tatlong hiwalay na pulupot na ruta. Ang mga silid sambahan nila dito ay bukas para sa lahat ng mga deboto. Ngunit, bawat ito kunan ng litrato dahil sagrado daw ang mga lugar na iyon. Napakaganda ng mga tanawin na makikita dito kapag ikaw ay nasa itaas ng mga terrace. Parang nakapunta ka na ng Tsina kapag ika’y naririto. May libre rin silang painom ng mainit na tsaa para sa mga turista.

Sunod naming pinasyalan ay ang SM Seaside City Cebu, ito ang pangatlong pinakamalaking mall sa Pilipinas, at matatagpuan sa tabi ng dagat. Talagang napakalaki ng mall na ito at pabilog ang estilo nito. Kaya maiikot mo talaga ang buong mall kada palapag, napakarami ring mga kainan at pasyalan ang makikita dito. Dito na rin kami kumain ng hapunan.

Alas-sais ng hapon, kami ay nakarating sa 10000 Roses Café, makikita dito ang sampung libo na mga LED na puting rosas na umiilaw kapag padilim na. Tamang-tama ang punta namin dito dahil pagabi na. Sikat rin dito sa kanilang café ang masasarap na kape at mga pagkain. Ang tanawin rin nila ang isa sa mga dinadayo ng tao, dahil sa napakaganda nitong tanawin sa dagat. Natatanaw mo rin dito ang siydad ng Cebu na talagang napakaganda pagmasdan.

Kinabukasan ng umaga, kami ay nag-almusal at muling namasyal. Ang sunod naming pinuntahan ay ang Temple of Leah. Ang Temple of Lea ay nahahalintulad daw sa sa Taj Mahal. Ito ay ipinatayo ni Teodorico Adarna, ang lolo ng sikat na artista at modelo na si Ellen Adarna. Ito ay ipinatayo ni Teodorico Adarna para sa kanyang asawa na si Leah Adarna, para ipakita ang labis niyang pagmamamahal at debosyon sa kanya. Ang estatwa ni Leah ay gawa sa tanso. Hinango rin ang disenyo ng templo sa mga sinaunang arkitekto ng mga Romano. Napakaganda at napakalawak ng lugar na ito para sa mga turista. Parang nakapunta ka na rin ng Roma kapag ito’y napuntahan mo.


Sunod naming pinuntahan ay ang Sirao Flower Garden. Ito ay 10km ang layo nito sa Temple of Leah. Ito ay isa sa mga pinakasikat na atraksyon sa Cebu, dahil sa mga napakaganda at makulay nitong mga bulaklak. Makikita rin dito ang mga bihirang bukalak sa Pilipinas tulad ng hyacinth, daffodils, at tulips. Mayroon ding malaking estatwa ng kamay at sunflower na kung saan maaaring akyatan ng mga turista at magletrato. Pagkatapos sa Sirao Flower Garden, kami ay bumalik na sa bayan para mananghalian.

Ala-una ng hapon, kami ay nagpunta sa Simala-Lindogon Church. Mahigit dalawang oras ang biyinahe namin mula sa Mandaue. Itong simbahan na ito ay kilala rin sa tawag na “Monastery of the Holy Eucharist.” Pagpasok ko pa lamang dito, mala paraisong simbahan ang aking nakita at akala mo ito ay isang kastilyo ng hari at reyna. Ang simbahan na ito ay tirahan ng ibat’t ibang uri ng imahen ng Mahal na Birheng Maria, at ito ay dinadanayo ng mga deboto para sa kanilang mga personal na intensyon at pagpapasalamat. Bagamat napakatagal ng biyahe, sulit naman ang punta naming dito dahil sa napakaganda nitong tanawin at simbahan.

Pagkatapos sa Simbahan ng Simala, kami ay bumalik sa siyudad ng Cebu upang maghapunan sa Ayala Center Cebu. Pagkatapos kumain, kami ay namasyal at bumalik na rin sa condominium para magpahinga. Kinabukasan ang flight namin pabalik ng Clark International Airport. Pero bago kami pumunta sa Mactan International Airport, kami ay kumain muna ng alsusal at namili ng pampasalubong tulad ng dried mangoes, Lechon, at otap. Hinatid kami ng aking tito sa airport. Lubos ang aming pasasalamat sa kanya, dahil kung hindi dahil sa kanya, wala kaming tutuluyan ng libre at driver sa tatlong araw naming sa Cebu. Nakarating kami sa Clark International Airport ng maayos at ligtas. Pagkatapos umuwi na kami sa aming tahanan sa Balanga, Bataan.
Tunay ngang napakaganda ng Cebu, napakayaman sa kasaysayan at kultura. Bagamat tatlong araw lang kami nanatili dito, ngunit sulit naman. Para sa akin, ito ang pinakamagandang lugar na napuntahan ko. Sana’y muli akong makapunta dito para muling makita ang ganda ng kultura at kasaysayan nito.